ZURICH — Labindalawang toneladang KitKat chocolate bars ang nawala sa Europa noong nakaraang linggo matapos tangayin umano ng mga kawatan ang truck na nagdadala nito, ayon sa Swiss food giant na Nestlé nitong Sabado.

Ayon sa KitKat, na gawa ng Nestlé, may kargang 413,793 piraso ng kanilang bagong produkto ang truck na umalis mula sa gitnang bahagi ng Italya upang ipamahagi ang mga tsokolate sa buong Europa. Ngunit hindi na ito nakarating sa huling destinasyon nito sa Poland.

Nanatiling nawawala ang sasakyan at ang mga kargamento nito. Hindi rin inihayag ng Nestlé kung saan eksaktong lugar nawala ang truck.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng KitKat na maaaring matunton ang mga nawawalang tsokolate sa pamamagitan ng natatangi nitong batch code. Ang sinumang mag-i-scan ng batch numbers ng mga ninakaw na tsokolate ay makakatanggap ng mga tagubilin kung papaano makikipag-ugnayan sa KitKat.

"Whilst we appreciate the criminals' exceptional taste, the fact remains that cargo theft is an escalating issue for businesses of all sizes," ayon sa KitKat. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News