Isang 31-anyos na construction worker ang nasawi matapos na mahila papasok sa “killer” cement mixer sa Bindoy, Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente noong umaga ng Abril 21, 2025 sa Barangay Batangan habang nagsasagawa ng concreting project ang pinapasukan niyang kompanya.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sinusuri umano ng biktima ang cement mixer nang sumabit sa makina ang kaniyang kasuotan.
Umaandar din umano ang makina at mabilis ang pag-ikot nang sandaling iyon kaya nahila ang biktima papasok sa mixer.
Ayon sa mga rumespondeng awtoridad, nahirapan silang makuha ang mga labi ng biktima mula sa pagkakaipit sa mixer.
Nang maialis na ang lalaki sa mixer, isinugod siya sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at kasamang aalamin kung may foul play o sinadya ba ang pangyayari. – FRJ GMA News
