Humarap na ang Executive Director ng Anti-Money Laundering Council na si Ronel Buenaventura makaraang i-subpoena ng House Committee on Justice noong Abril 14 sa ikatlong araw ng House impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte. Ano nga ba ang mga nakapaloob sa tinatawag na “suspicious” bank transactions?

Batay sa report ng AMLC, aabot sa halos P3.8 billion ang naitalang “covered at suspicious” bank transactions ng pangalawang pangulo mula 2006 hanggang 2025.

Samantala, aabot naman sa halos P3 bilyon ang “covered and suspicious” transactions ng asawa ni Duterte na Atty. Manases Carpio.

Nai-record din ng AMLC sa parehong time period ang mahigit P791 milyon na hindi matukoy o undetermined transactions ng mag-asawa.

Sinabi ng AMLC na matatawag na covered transaction ang isang transaksyon “in cash or any equivalent monetary instrument” kung higit sa P500,000 ang halaga nito.

Maituturing namang “suspicious” ang isang transaksiyon kung may “suspicious circumstance” na makikita rito, maliit man o malaki ang halagang sangkot dito.

Inilahad sa Guidelines on Transaction Reporting and Compliance Submissions ng AMLC ang mga “red flag” o “suspicious indicator” ng mga bank transaction.

Sakop nito ang mga dapat bantayan sa identity documents, behavior, finances at personal transactions ng isang customer na nakikipag-transaksyon sa bangko.

Ayon sa ALMC, ilan sa mga red flag ang mga sumusunod:

1. Identity documents - Maaaring maituring suspicious ang transaksiyon kapag kopya lang ang ipinakitang proof of identification. Red flag din sa AMLC kapag tumangging magpakita o walang maipakitang registration documents ang isang customer tulad ng business permit o certificate of registration, o iba’t iba ang identification documents na ipinakikita kada transaksiyon.

2. Behavioral red flags - Senyales din ng kaduda-dudang transaksiyon kapag laging may “third party” na kasama ang customer. Red flag din kapag sinusubukan ng third party na asikasuhin ang papeles ng customer nang hindi ito kinokonsulta at kapag ang third party mismo ang nagmamay-ari o nagkokontrol ng lahat ng dokumento o pera ng customer.

3. Financial red flags - Nasa ilalim nito ang mga transaksiyong hindi tumutugma sa nakadeklarang line of business ng isang customer. Maituturing ding kahina-hinala ang transaksiyon at financial activity kapag madalas itong nangyayari sa labas ng normal business hours, kapag laging in cash ang mga transaksiyon, at kapag masyadong malaki ang halaga ng deposito ng isang negosyo kumpara sa nakatalang laki ng operations nito.

4. Personal transactions - Kaduda-duda rin kapag maraming accounts ang customer sa iba’t ibang financial institution na nasa iisang lugar lang, at kung walang maliwanag na dahilan para sa dami ng account na ito. Suspicious din kapag marami ang cash deposit ng customer sa iba’t ibang account na ito, na aabot sa malaking halaga kapag pinagsama-sama. Bukod pa rito, kaduda-duda rin kung hindi tumutugma sa inaasahan batay sa kaniyang trabaho, o nakatalang gamit ng nasabing account, ang pumapasok na pera sa account ng customer.

Maaari ding pagdudahan ang mga transaksiyon na nangyayari sa iba’t ibang physical location dahil posibleng senyales ito ng pag-iwas na ma-detect ang mga nasabing suspicious activity.
Kaduda-duda rin kung paulit-ulit ang paggamit ng customer ng iisang address ngunit iba-iba ang ginagamit sa mga transaction.

Batay sa Republic Act 9160 o Anti-Money Laundering Act of 2001, na inamyendahan noong 2013 sa bisa ng Republic Act 10365, required ang mga financial institution na iulat ang covered at suspicious transactions sa loob ng limang working days mula nang maganap ang nasabing transaksiyon, maliban kung nagtakda ng mas mababang panahon na hindi lalampas sa 15 working days.

Ang money laundering ay isang krimen kung saan ginagamit o ipinadadaan sa iba’t ibang transaksiyon ang perang may kinalaman sa unlawful activity para palabasing lehitimo ang pinagmulan nito.

Kasama sa unlawful activities na nakasaad sa Anti-Money Laundering Act ang plunder at graft and corruption, na ginagamit ding grounds for impeachment.

Sa gitna nito, hindi pa rin dumadalo si VP Duterte sa House impeachment mula nang magsimula ito noong Marso 25.

Nauna nang sinabi ng kampo ng bise presidente na walang polisiyang nagsasabi na required si Duterte na dumalo sa impeachment proceedings na tinawag din ng bise presidente bilang “fishing expedition” laban sa kaniya.

Nitong Abril 23, sa inilabas na opisyal na pahayag ng bise presidente, nanindigan siyang hindi totoo ang mga alegasyong may kaugnayan sa bilyong pera umano sa kaniyang bank accounts.

Dagdag pa niya, nagsisilbing “backer” ng paninirang ito ang mga opisyal ng AMLC na nanatili umanong tahimik imbes na linawing wala umano siyang naging paglabag sa anti-money laundering laws.

“Simple lang ang sagot ko sa lahat ng paninira. Malinis ang aking service record; hindi ako kailanman nagkaroon ng kaso sa paggamit ng pondo ng bayan. Lahat ng aking ari-arian at pera ay idineklara ko sa aking SALN. Ang bawat sentimo ay mula sa lehitimong pinanggalingan at may kaukulang dokumento," sabi ni Duterte sa pahayag.

Nauna na rin niyang itinanggi ang mga akusasyon tungkol sa paggamit niya ng confidential funds. Nanindigan din ang kampo nito na walang "ultimate facts" ang mga impeachment complaint laban sa bise at "political maneuvering" lang ang nagaganap na impeachment laban sa kaniya. – Jamil Santos/FRJ GMA News