Kilala ang Aklan dahil sa napakaganda at sikat na isla nito na Boracay. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, mayroon ding mayamang kasaysayan ang lalawigan na makikita sa kanilang “living museum.” Dito, ipinakikita ang sinaunang paraan ng pamumuhay ng mga Malaynon.

Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” itinampok ang Motag Living Museum, na matatagpuan sa Barangay Motag sa Malay.

Sa pagbisita ni Drew, inawitan siya ng mga bata at matatanda ng isang kantang Malaynon bilang pagsalubong.

Makikita rin sa museum ang tradisyunal nilang paghahabi, at ang sinaunang palikuran ng mga Malaynon na ginagamitan ng coconut husk bilang “toilet paper.”

Tradisyunal din ang paghihiwalay ng mga butil ng palay, na tinatapakan mula sa isang mistulang kubo na gawa sa kawayan. Saka ito ibibilad para maging bigas.

Para sa kanilang meryenda, piniprito ng mga Malaynon ang palay para maging “Pop Rice.”

Ang mga palay naman na hindi pumutok, babayuhin para makuha ang bigas at magamit nila sa pagluluto.

Binubuo ang Motag Museum ng komunidad ng mga lokal kung saan mula bata hanggang matanda, namulat kung paano ang kanilang pamumuhay noon.

“Ito 'yung way of living ng mga tao. Parang nawawala na siya. So, naisip niyang ibalik itong kultura. Just like sa Boracay, hindi na natin nakikita kung ano ang culture natin as a Malaynon. Malaking bagay ito sa amin kasi maipapakita namin sa lahat na ito talaga  'yung aming kultura or ito talaga 'yung aming hanap buhay dito sa Malay,” sabi ng guide sa museum na si Amy.

May isang pagkain na maituturing orihinal o “OG” para sa mga Malay ngunit nanganganib na mawala at hindi na makilala pa ng susunod na henerasyon na “Inumol.” Isa itong fermented rice na meryenda ng mga Malaynon. – FRJ GMA News