Kilala ang Pansit Malabon dahil sa makakapal nitong noodles, may makulay at malinamnam na sarsa, at iba’t ibang sangkap na dumadagdag sa sarap nito. Bisitahin sa Malabon ang dalawa sa pinakamatagal nang gumagawa ng kanilang ipinagmamalaking pansit.

Sa nakaraang episode ng I Juander, itinampok ang Josephine’s Original Pancit Malabon, na higit isang siglo o isang daang taon nang binubusog sa pansit ang mga taga-Malabon.

Ipinagmamalaki nila ang sarap ng kanilang pansit, na walang pagbabago mula noon hanggang ngayon.

“Isa sa mga sikreto para tumagal ang Pansit Malabon, unang-una 'yung dedication mo kasi 'yung bawat ingredients nito ay masasabi nating labor of love. And then kapag wala ka nito, parang hindi magiging successful 'yung kung ano man ang balak mo. Hindi lang naman sa Pansit Malabon, kahit na sa anong putahe,” sabi ni Josephine Gozon, may-ari ng Josephine’s Original Pancit Malabon

Ilan na sa kilalang personalidad na dumayo sa kanilang kainan sina Iya Villania-Arellano at ang 1940s movie actress na si Carmen Rosales.

Sa mga sangkap na lamang nagkakatalo ngayon ang mga kainan na nagluluto at nagtitinda ng Pansit Malabon sa Malabon.

Isa pa sa mga pinakamatagal nang pansitan sa Malabon ang Nanay's Pansit Malabon, na namana ni Nanay Bernardita Ignacio mula sa kaniyang lola.

“Hindi namin binabago ang timpla. Mula pa sa lola ko, sa tiyahin ko hanggang sa akin, na tinuro sa akin, 'yun pa rin ang timpla, 'yun pa rin ang ituturo ko sa anak ko ‘pag siya na nagtitinda rito,” sabi ni Nanay Bernardita.

Una munang niluluto ang sarsa na gawa sa pinaghalong harina at cornstarch. Sinasamahan din ito ng Annatto oil.

Matapos lagyan ng mga pampalasa ang pinalambot na noodles, sunod na ihahalo ang sarsa. Hindi pinaghahalo ang sarsa at noodles sa kawaling mainit.

Sa halip na dinurog na chicharon, fish crackers ang kanilang inilalagay.

“Ang pinagmulan kasi ng pansit malabon ay ang labong mismo. Wala pa kasing rice noodles noon eh. Nung nag-evolve na yan ng unti-unti, nagkaroon siya ng rice noodles which is walang sauce. Eventually, habang tumatagal ang panahon, nagkaroon na ng sarsa ang pansit malabon,” sabi ni Rico Echevarria, isang Filipino food historian. -- FRJ GMA News