Kahit luma na, dinadayo pa rin ng mga turista ang Yau Ma Tei Police Station sa Hong Kong. Alamin kung ano ang makikita sa loob nito.
Sa nakaraang episode ng Biyahe ni Drew, sinabing nasa 100 taon na ang tanda ng Yau Ma Tei Police Station na itinayo pa noong 1920s sa Canton Road sa Kowloon.
Dito, puwede nang maging isang pulis o action star ang bibisita dahil ang Yau Ma Tei Police Station ay kilala rin bilang shooting location ng iba't ibang pelikula sa Hong Kong, at ginawang immersive at cinematic exhibition attraction.
Dahil isa rin itong shooting location, nilagyan ito ng mga camera, props, at wardrobe ng mga pulis.
Ginaya ang tunay na police station sa loob na may computer, armory na may mga iba't ibang klase ng baril, bala at mga posas. Mayroon din itong surveillance room.
Mayroon din isang selda kung saan puwedeng magpanggap ang mga turista na may mugshot.
May hi-tech features din ang police station tulad ng salamin na LED screen at camera in one.
Iki-click lamang ang QR link at lalabas na ang edited na larawan ng piniling role sa buhay.
Sa iba namang mga kuwarto, puwede na ring maging bida sa mga classic na action movie sa Hong Kong.
Sa kabila ng 20 minuto lamang ang pinapayagan para sa attraction, sulit na ang halagang HK$30 o higit sa P230 para mag-enjoy ang mga turista. – FRJ GMA News
