Nagdulot ng pagsisikip sa daloy ng trapiko ang isang lasing na babae sa B. Rodriguez Street sa Cebu City noong Martes ng umaga matapos siyang humiga sa gitna ng kalsada.

Ayon sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Martes ng gabi, sinabing napansin ng mga motorista ang babae dakong 6:00 ng umaga.

Agad namang rumesponde ang mga city responder at iba pang awtoridad upang tulungan ang babae. Dinala siya sa Cebu City Medical Center.

Ibinahagi ng taxi driver na nanggaling umano ang babae sa isang bar at lasing ito nang sumakay sa kaniyang taxi. Dagdag pa niya, umiiyak umano ang babae habang nasa biyahe.

Pero bigla na lamang umanong bumaba ang babae sa taxi at humiga sa kalsada.

Ayon pa sa driver, sinasabi umano ng babae na nais niyang wakasan na ang kaniyang buhay. Pero sinabihan niya raw ang babae na huwag gagawin dahil madadamay pati siya.

Wala pang pahayag ang mga awtoridad tungkol sa insidente. – FRJ GMA News