Ginawang viral web-based game ang pagtakbo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa hagdanan ng Senado upang makaiwas sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na nais umano siyang arestuhin sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng developer na si Jopel Mandac na ginawa niya ang larong “Senate Run” bilang katuwaan lamang para sa kaniyang mga kaibigan.
Sa laro, kailangang patalunin ng user ang karakter ni Dela Rosa upang makaiwas sa mga ahente.
Mahuhuli ang karakter kapag bumangga ito sa mga nakaharang na bagay o nabigong tumalon bago siya maabutan ng mga ahente.
Ngayong naging viral na ang Senate Run, sinabi ni Jopel na pinag-iisipan niyang dagdagan pa ito ng mga power-up.
Ayon pa kay Mandac, ang susunod niyang proyekto ay isang shooting game na tampok naman si Senate Sergeant at Arms Mao Aplasca. Layunin ng laro na makagawa ng pinakamaraming tap o putok hangga’t maaari, nang walang partikular na target.
Gumagawa rin siya ng mga laro batay sa pag-iyak ni Senadora Pia Cayetano sa plenaryo ng Senado, gayundin sa mainitang palitan ng salita nina Senador Francis Pangilinan at Senador Robin Padilla na nangyari sa plenaryo.–FRJ GMA News
