Itinuturing ng mga senior British doctor sa Britanya na kasing panganib ng paninigarilyo ang social media para sa mga bata. Kaugnay nito, hinikayat nila ang kanilang mga mambabatas na tugunan ang pinsalang dulot umano nang labis na screen time sa mga kabataan.
Inilahad ng Academy of Medical Royal Colleges ang epekto ng social media sa mga bata sa ginawang konsultasyon ng pamahalaan ukol sa proteksyon ng mga bata online, na nagtapos nitong Martes.
"It ranks alongside smoking and wearing seatbelts in cars as a unifying force for the medical profession," ayon sa organisasyon na kumakatawan sa 23 royal medical colleges at faculties sa UK at Ireland.
"There can be few issues which have united clinicians so resoundingly in recent years as the impact that unfettered exposure to tech and devices is currently having on children and young people's health," dagdag nito.
Mahigit kalahati ng 132 doktor na isinailalim sa survey ang nagsabing nakakakita sila ng kahit isang kaso kada linggo ng pinsalang maaaring may kaugnayan sa teknolohiya at mga device. Mahigit sankatlo naman ang nagsabing maraming beses silang nakakakita ng ganitong kaso kada linggo.
Kabilang sa mga pinsala ang mga sugat na pisikal, katulad ng dulot ng paggaya sa matitinding eksena, pati na rin ang epekto sa mental health tulad ng trauma mula sa napapanood na karahasan online.
Kasalukuyang pinag-aaralan ng Britanya ang paghihigpit sa access ng mga bata sa social media, kabilang ang posibleng pagbabawal para sa mga wala pang 16-anyos, gayundin ang curfew, limitasyon sa oras ng paggamit ng apps, at pagbabawal sa mga tinatawag nitong addictive design features.
Noong nakaraang taon, naging unang bansa ang Australia na nagbawal ng social media para sa mga batang wala pang 16-anyos, habang pinag-aaralan din ng ilang bansa sa Europa ang kaparehong hakbang.
Sa ilalim ng online safety law ng Britanya, inaatasan ang mga social media company na gumawa ng hakbang upang protektahan ang mga bata laban sa ilegal at mapaminsalang online content, ngunit nangako ang pamahalaan na higit pa rito ang kanilang gagawin.
"The question isn't whether we are going to act; we will, whether that is a ban on social media for the under-16s or restrictions on key features and functions," sabi ni Technology Secretary Liz Kendall sa BBC News.
Samantala, daan-daang pamilyang Briton ang sumusubok ng social media bans, curfew, at limitasyon sa app usage upang makita ang epekto nito sa tulog, buhay-pamilya, at pag-aaral ng mga bata.
Hati naman ang opinyon ng mga eksperto kung magiging epektibo ang ganap na pagbabawal, habang isang grupo ng kabataan sa London ang nagsabi kamakailan sa Reuters na tutol sila sa mga restriksyon. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News

