Sa harap ng viral na usapan tungkol sa pangalan ng ilang prutas gaya ni “Sharmaine the orange,” ginamit itong paraan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang ipakilala ang isang uri ng isda na may kakaibang pangalan—ang “tampalpuke.”
Sa post ng BFAR sa kanilang Facebook page, naglagay sila ng larawan nina Sharmaine the orange at Tampalpuke habang nag-uusap.
“Mare, ano ba namang pangalan itong ‘Orange,’ parang hindi pinag-isipan! Get me a lawyer,” saad ni Sharmaine sa post ng BFAR.
BASAHIN: Who are Sharmaine and Vanessa? Trend explained
Tugon naman ng isda, “Ako na Tampalpuke ang pangalan, hindi nagreklamo.”
Sa caption ng post, ibinahagi ng BFAR ang ilang impormasyon tungkol sa naturang isda na tila nakakaiskandalo ang pangalan.
Ayon sa BFAR, bukod sa tampalpuke, tinatawag din ang flounder o flatfish, bilang “dapa” at “palad.”
Ngunit hindi lang pangalan nito ang kakaiba kung hindi maging ang kaniyang hitsura na palapad na dapa.
“Sa kanilang paglaki, unti-unting lumilipat ang kanilang isang mata sa kabilang panig ng ulo. May kakayahan rin silang magbalatkayo o camouflage sa pamamagitan ng pagbabago ng kulay ng balat o pagbabaon sa sarili sa buhangin upang magtago sa mga kalaban,” saad ng BFAR.
Ayon pa sa BFAR, sa kabila ng kakaibang anyo ng tampalpuke, malambot, maputi, at pino ang karne nito na maaaring iprito, ihawin, o lagyan ng sarsa, kaya paboritong kainin ng marami.
“Bagama't hindi ito kabilang sa mga pangunahing komersyal na isda, malaki ang naitutulong ng flounder sa pagbibigay ng pagkain at kabuhayan sa mga mangingisda at lokal na pamayanan sa Pilipinas,” sabi pa ng BFAR. – FRJ GMA News

