Nagbabalik sa PBA ang kontrobersiyal na si John Amores halos dalawang taon matapos bawiin ang kaniyang professional license nang masangkot sa gulo na may kasamang pamamaril sa Laguna noong 2024.

Pumirma ng kontrata ang 27-anyos na si Amores sa Titan Ultra ilang araw bago simulan ng koponan ang kampanya nito sa PBA Season 50 Governors' Cup sa Biyernes na makalaban ang Terrafirma.

Nasangkot si Amores at ang kaniyang kapatid sa isang insidente ng pamamaril sa Lumban, Laguna noong Setyembre 2024. Sumuko sila sa mga awtoridad ilang araw matapos ang insidente. Kalaunan, nakalaya sila matapos makapagpiyansa sa kasong attempted homicide.

Noong panahong iyon, kabilang si Amores sa koponan ng NorthPort bago ito kunin ng Titan Ultra noong Oktubre 2025.

Noong Oktubre 11, 2024, sinuspinde si Amores ng PBA nang walang takdang panahon at walang sahod. Habang binawi naman ng Games and Amusements Board (GAB) ang kaniyang propesyonal na lisensya.

Ayon sa GAB, maaari pang iapela ang kaso ni Amores at maaaring baligtarin ang kanilang desisyon kung mapapawalang-sala siya.

Noong Martes, nagbahagi si Amores sa social media ng isang video na makikita siyang nag-aaplay muli para sa lisensya ng GAB. Naganao ito ilang buwan matapos lumabas ang mga ulat na nais niyang magbalik sa paglalaro at naresolba na ang kasong isinampa laban sa kaniya.

Sa Titan, muling makakasama ni Amores ang dati niyang mga kasamahan sa NorthPort na sina Fran Yu, Joshua Munzon, at Cade Flores. —Bea Micaller/FRJ GMA News