Inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno na matagumpay ang ikatlong angioplasty procedure na ginawa sa pampublikong pagamutan na Ospital ng Maynila kung saan inaalis ang bara sa puso ng pasyente, at libre ito. Pero para lang ba ito sa mga Manileño? Alamin.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Moreno na umaabot sa ₱975,000 ang gastos sa naturang procedure sa puso pero libre ito para sa mga pasyente ng Ospital ng Maynila.
Ayon sa alkalde, isang 67-anyos na lalaking residente sa Maynila ang ikatlong pasyente ng ospital na sumailalim sa naturang operasyon. Sa isang pribadong ospital, maaari umanong umabot ang naturang procedure sa P1.5 milyon.
"Kapag barado po yung puso at hindi pa kayo due for bypass, at kaya naman ng angioplasty, 'yan po yung procedure," paliwanag ni Moreno. "Magkano po binayaran ng pasyente natin ngayon? Zero. Literally zero. Walang binayaran. Salamat sa taxpayers ng siyudad."
Binigyan-diin ng alkalde ang pangangailangan na paghusayin ang serbisyo ng kalusugan para sa mga Manileño dahil marami umanong mahihirap ang namamatay nang hindi nagagamot.
"Maraming mahirap ang namamatay nang hindi nabibigyan ng patas na pagkakataon, at least pagkakataon man lamang, kasi kung nandiyan ang mga doktor, gamit, gamot, mabigyan siya ng patas na laban," paliwanag niya.
Ayon kay Moreno, isinagawa ang una at ikalawang angioplasty procedure noong nakaraang Marso. Samantala, binuksan ang Cardiac Catheterization Laboratory ng ospital noong nakaraang Setyembre at nagkaloob din ng angiogram procedures nang libre rin.
Sa Viber message, sinabi ni Moreno na tagumpay ang lahat ng tatlong angioplasty procedure na ginawa sa mga pasyente na pawang walang binayaran.
Nang tanungin kung mga Manileño lang ang puwedeng makinabang sa naturang mga procedure sa Ospital ng Maynila, tugon ng alkalde, “Manila or non Manilans. All 100% free of charge.” – FRJ GMA News

