Ipinagbawal ang pagligo sa sapa sa Barangay Mianay sa Sigma, Capiz matapos umanong may makitang buwaya sa lugar.

Sa ulat ng GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Huwebes, sinabing nakita umano ng mga residenteng nangingisda ang buwaya.

Gayunman, hindi masabi kung gaano kalaki ang buwaya na ipinagbigay-alam na sa lokal na pamahalaan.

Nagsagawa na rin ng pagsusuri ang municipal environment and natural resources office sa lugar upang hanapin ang buwaya.

Naglagay din ng karatula para magsilbing babala sa publiko sa pagligo sa sapa hanggat hindi pa nakukumpirma kung may buwaya nga sa tubig.

Nagbigay din ng paalala si Police Major Sables Narciso Jr. hepe ng Sigma MPS, na pansamantala huwag munang maligo ang mga kabataan sa sapa para maiwasan ang disgrasya.

Nagbigay na rin ng impormasyon ang mga opisyal sa mga karatig-barangay kaugnay sa insidente. – FRJ GMA News