Inihayag ni Iya Villania na ipinagbawal niya sa kaniyang mga anak ang paggamit ng online gaming platform na Roblox. Ikinuwento rin niya ang napansin niyang pagbabago sa ugali ng mga bata.

Sa isang episode ng podcast na "Kami Ang Inyong Mga," ikinuwento ni Iya sa mga co-host na sina Camille Prats at Suzi Entrata-Abrera, na hindi niya pinansin noong una ang online game nang una itong madiskubre ng kaniyang mga anak.

Ngunit nagsimula siyang mag-alala sa mga nilalamang nito, partikular ang karakter na Sonic.exe, isang nakakatakot na bersyon ng Sonic the Hedgehog.

"Nung tinignan ko I was like, 'Bakit ganyan 'yung hitsura ni Sonic?' Para siyang demonyo na Sonic. Sonic na may red eyes tapos ganun 'yung ngipin," saad ni Iya tungkol sa matatalim na ngipin.

"I was thinking, 'Is this a normal character? Baka 'di ko lang 'to kilala.' So 'di ko lang masyado inisip. Hanggang sa they started getting scared at night kasi 'yung mga jumpscare," dagdag niya.

Dahil dito, nagpasya siyang ipatigil ang paglalaro ng Roblox, lalo na nang mapansin niyang tila nalululong na rito ang kaniyang mga anak.

"I was like, 'Guys, wait up. Is this what you're playing? Is this what it's doing to you guys? Is it making you guys scared?'" patuloy ni Iya.

"Their attitudes just changed. And parang when we take it away, they would get so upset. And s'yempre, they were much younger then so hindi pa nila ma-regulate at maintindihan. So basta 'pag tinanggal mo, nagwawala," sabi pa niya.

Ayon kay Iya, ang pinakamatinding naapektuhan ay ang panganay nilang anak na si Primo.

"I know Primo. He's such a sweet boy. And he's such a smart boy. So, when he was going through that, I was like, OK, this isn't sitting well with me," sabi ng TV host.

Ikinuwento rin na nagpasya silang magpahinga muna sa paggamit ng mga gadget sa loob ng isang buwan upang matugunan ang problema. Mahirap ito sa umpisa at umiyak ang kanilang mga anak, ngunit naging mas madali rin habang tumatagal.

"After a month, or maybe even after two months, Drew and I were like, 'OK, you know what? We're gonna bring back the gadgets but we're taking away this game.' I felt so convicted about the game. It just felt demonic for me, Mars," paliwanag niya.

Sinabi rin ni Iya na marami siyang narinig na kuwento tungkol sa Roblox na lalo lamang nagpatibay sa kanyang paniniwalang tama ang naging desisyon nilang alisin ito sa kanilang mga anak.

Ipinaliwanag din niya na ang Roblox ay isang gaming ecosystem na maaaring maglaro ang mga user ng mga larong ginawa ng ibang tao o gumawa ng sarili nilang mga laro.

"Also, the thing with that game is, magsawa lang sila sa isang game, lipat lang sila ng next. And because these games are made by people, these are worlds that people bring to life na mga fantasies nila," ayon kay Iya.

"So, malay natin kung anong mga fantasy ng mga ibang tao na 'yan that they make come true in these worlds. And then, they're introducing these children to them. So, I'm glad we took that game away," dagdag niya.

Ayon kay Iya, naunawaan din kinalaunan ni Primo kung bakit hindi na niya pinapayagan silang magkakapatid na maglaro ng Roblox.

"I'm sharing this story because I want some parents out there, if you feel convicted about a game that doesn't feel right to you, it's not too late to take it away. You can take it away," sabi ng TV host.

Ikinonsidera noong una ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pagpapatupad ng nationwide ban sa Roblox dahil sa mga alegasyon ng ilegal na aktibidad at mga isyu sa kaligtasan ng mga bata. Gayunman, hindi ito natuloy.

Naghain din si Senador Risa Hontiveros ng isang resolusyon na humihiling ng imbestigasyon sa Roblox at iba pang online games upang makapagpatupad ng mas epektibong regulasyon at mga hakbang sa kaligtasan batay sa panganib upang maprotektahan ang mga bata.

Samantala, sinabi ng Roblox na mayroon silang "advanced safeguards and robust safety policies" sa kanilang platform at nananatili silang nakatuon sa pagprotekta sa mga gumagamit ng kanilang laro.

Nakipagpulong din ang mga opisyal at kinatawan ng kompanya sa CICC, Department of Information and Communications Technology (DICT), at iba pang ahensiya ng pagpapatupad ng batas upang talakayin ang kanilang mga hakbang sa seguridad, kabilang ang mas mahigpit na pagsubaybay, mas epektibong mekanismo ng pag-uulat, at pagkontrol sa nilalaman nito na naaangkop sa edad.

FRJ GMA News