Napahagulgol at nanlumo ang isang babae sa sa M'lang, Cotabato matapos niyang malaman na ang makapal na sobre na ibinigay sa kaniya ng dalawang lalaking kumausap sa kaniya ay P300 at ginupit na papel lang pala ang laman. Ang kapalit kasi ng sobre, kaniyang mga alahas ang cash na P2,000. Alamin kung ano ang nangyari.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapanonood sa CCTV footage na kinausap ng isang lalaki ang biktimang tindera sa palengke.
Ilang saglit pa, isa pang lalaki ang lumapit at nakisali na rin sa usapan. Kinumbinsi ng dalawang lalaki ang babae na sumama sa kanila.
Ang mga sumunod nang eksena, makikitang umiiyak na ang babae.
“Na-scam ako, nakuha nila ‘yung aking kuwintas,” anang babaeng biktima.
Ayon sa pinsan ng biktima, nakumbinsi ng dalawang lalaki ang babae na ibigay sa kanila ang kaniyang kuwintas, suot na relo, at P2,000 pera na kaniyang kinita sa palengke.
Kapalit nito ang isang makapal na sobre na naglalaman daw ng pera.
Nakaalis na ang mga lalaki nang buksan ng biktima ang sobre, at doon niya nalaman na P300 at ginupit na mga papel lang pala ang laman.
Hindi maririnig sa CCTV footage ang usapan, ngunit sinabi ng pinsan ng biktima na na-hypnotize umano ang babae.
Agad nilang iniulat ang insidente sa M’lang Police at ipinost din ng pinsan ng biktima ang larawan ng mga suspek.
Ilang araw makaraan ang insidente, sinubukan umano ng isa sa mga suspek na mambiktima naman sa bayan ng Kabacan pero namukhaan siya ng kaniyang binibiktima.
Sakto namang nag-iikot ang pulisya sa lugar kaya nahuli ang lalaki.
Lumabas sa imbestigasyon na miyembro ng sindikato ang suspek at kaniyang kasama.
Taon-taon umano silang nagsasanay para maperpekto ang kanilang modus. – FRJ GMA News
