Isa sa mga pangunahing direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), ang palawakin ang sakop ng expanded tax exemption. Pero sino nga ba ang mga posibleng makinabang sa panukalang ito? Alamin.
Kasama sa layunin na mabawasan ang buwis ng mas maraming Pilipino, magbigay ng tax relief sa maliliit na negosyo, at bigyan ang mga taxpayer ng pagkakataon na ayusin ang mga hindi pa nila nababayarang buwis sa pamamagitan ng tax amnesty.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing kabilang sa mga makikinabang sa layunin ang mga empleyado at mga manggagawa na kumikita ng hanggang P350,000 kada taon.
Sa kasalukuyang probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, exempted lamang sa buwis ang mga kumikita ng hindi lalagpas sa P250,000 ang kita.
Kapag lumagpas dito, may karampatang rate na kailangang bayaran sa Bureau of Internal Revenue o BIR.
Pero sa ilalim ng panukala ni Marcos, itataas ito sa P350,000, kaya mas maraming manggagawa ang maaaring maging exempted sa pagbabayad ng income tax.
Halimbawa, sa kasalukuyang tax schedule ng BIR, nagbabayad ng P15,000 na income tax kada taon ang isang empleyadong may P350,000 annual taxable income.
Kapag naaprubahan ang panukala, maaari na itong hindi magbayad ng naturang buwis.
Nitong Hulyo 28, naghain si Sen. Vicente Sotto III ng Senate Bill No. 2338, o ang "Expanded Income Tax Exemption of 2026," na layuning palawakin ang income tax exemption sa mga manggagawang kumikita ng P350,000 taun-taon, simula Enero 1, 2027.
Samantala, inaasahang makikinabang din sa munagkahi ni Marcos ang maliliit na negosyo, matapos niyang hilingin sa Kongreso na alisin ang corporate income tax para sa mga kuwalipikadong small enterprise.
Sa ilalim ng CREATE MORE Act, nagbabayad ang karamihan sa mga korporasyon ng 25% corporate income tax. Habang nagbabayad naman ng 20% ang mga kuwalipikadong maliliit na korporasyon na may net taxable income na hindi hihigit sa P5 milyon at kabuuang assets na hindi lalampas sa P100 milyon.
Kapag naisabatas ang panukala, hindi na magbabayad ng corporate income tax ang mga kuwalipikadong small enterprise.
Kabilang rin sa mga posibleng makinabang ang mga taxpayer na may pending na bayaring buwis.
Iminungkahi rin ni Marcos ang tax amnesty para sa mga may outstanding liabilities sa estate tax, income tax, donor's tax, at value-added tax o VAT.
Sakop din sa isinusulong na amnesty ang mga penalty, surcharge, at interest, kaya maaaring mas mapadali para sa mga indibidwal at negosyo ang pag-settle ng kanilang tax obligations.
Sinabi ni House Committee on Ways and Means Chair at Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo na maituturing na parang "wage hike" ang panukalang tax exemption para sa middle class.
Sinabi niyang dahil hindi na magbabayad ng income tax ang ilang manggagawang sakop ng expanded exemption, mas malaki ang maiuuwi nilang take-home pay kahit walang pagbabago sa kanilang basic salary.
"We passed the Train law exempting those earning P250,000 annually from income tax in 2018. If you adjust it to inflation, of course the worth of the peso in 2018 is different today,” sabi ni Quimbo noong Hulyo 28, 2026 mula sa interview sa Super Radyo dzBB.
“It costs lower. So when you adjust that P250,000 to inflation, it (threshold) should be P320,000. But the President took the extra step and made it P350,000 so more people would be able to benefit from it,” dagdag niya.—FRJ GMA News
