Dahil sa mensaheng pulitikal at pagpuna sa mga nanunungkulan, totoo nga bang may ilang event na pinagbawalan ang rapper na si Gloc-9 na awitin ang kanta niyang “Upuan?” At ano nga ba ang inspirasyon niya para buuin ang naturang awitin? Alamin.

Sa nakaraan niyang guesting sa “i-Listen” kasama si Kara David, ikinuwento ni Gloc-9, kung ano ang naging inspirasyon niya upang mabuo ang “Upuan.”

Aniya, nag-duty siya noon bilang isang nursing student sa mga pampublikong ospital, at nakita niya ang paghihirap ng ilang mga kababayan.

“Pero dahil din 'yung time na 'yun, 'yun 'yung nag-duty ako sa mga public hospital. It's the first time na hindi madali ang buhay dito sa atin. Lalo-lalo na sa mga nahihirapan, 'yung mga nasa laylayan. Sila 'yung pinakahirap,” paglalahad niya.

Laking pasasalamat ni Gloc-9 na maaari niyang kausapin ang mga pasyente sa public hospitals, hindi katulad sa private hospitals.

Hanggang isang araw, nasaksihan umano niya ang isang nakadudurog na tagpo ng isang ina at anak nito.

“I witnessed a mother na mawalan ng anak sa harapan mo. Wala kang magagawa. Tina-try niya i-convince 'yung sarili niya na hindi totoo. Sa harapan mo, ‘Gising ka na anak. Gising ka na. Uwi na tayo,’” pag-alaala niya.

“I think para makita mo 'yon, hindi ka na kukulangin pa sa kahit na anong motivation to write songs and makapag-relay ng message sa ibang tao. Doon ko nasulat ang ‘Upuan,’” pagpapatuloy niya.

Pinuna ni Gloc-9 ang tila kawalan ng simpatiya ng ilang ospital sa mga hikahos sa buhay.

“Tayo ay may ospital na nagpapaalis ng isang babaeng lumalabas na 'yung baby sa kaniya at sasabihin mo sa tao na, ‘Hindi kami public hospital, hindi ka puwede dito.’ May mga ganu’n. So you realize na hindi fair. Marami talagang nahihirapan,” paliwanag niya.

Kung may kahalagahan pa ba ang kantang “Upuan” sa panahon ngayon, sabi ng mang-aawit, “Hindi ko alam if it's a good thing.”

Inalala naman ni Gloc-9 ang sinabi ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona na, “'Yung mga kanta natin, hindi na atin ‘yan. ‘Pag binitawan natin eh, meron na silang sariling buhay nila.”

Pag-amin ni Gloc-9, nagdududa siya minsan kung nararapat pa ba niyang awitin ang kaniyang mga kanta, dahil tinututulan ito ng ilang tao.

“And sometimes, I ask myself if I'm still worthy of my song. Minsan pinipigilan akong kantahin ‘yan sa show. Bawal daw. ‘Huwag mong kakantahin 'yun ah,’” kuwento niya.

“May mga times na I feel, ngayon ko lang yata sasabihin ‘to. Sometimes, I feel nati-take for granted ko 'yung mga creations ko. May mga times na siguro, kung kinanta ko siya, iba 'yung dating. Minsan iniisip ko, kasalanan ko ba 'yun na hindi ko kinanta kasi sinabi sa akin na huwag kong kantahin?,” patuloy niya.

Para sa kaniya, mas matimbang ang kaniyang pamilya, kaysa pagharap niya sa mga umaalma sa kaniya at sa kaniyang mga kanta.

“Iniisip ko na lang kasi gusto kong umuwi sa anak ko. Baka kasi ‘pag kinanta ko, hindi ako makauwi sa anak ko,” dagdag niya.

Komento ni Kara, hindi maitatago ang isyu ng paghihirap ng mga kababayan sa ating lipunan.

“Ako ang prayer ko, sana maging sandata ‘yung ‘Upuan’ para hindi lang mamulat ‘yung mga nagbubulag-bulagan pero tayong mismo makita natin na hindi ito tama,” anang host ng programa.

Pinasalamatan ni Gloc-9 ang mga patuloy na sumusubaybay sa kaniya bilang artist.

“This is my 29th year, 30 years na ako next year. I'm very thankful sa lahat ng mga sumabay sa akin sa journey ko. Pero siguro, ‘yung mga songs na ‘yan, may mga sariling buhay na sila,” ani Gloc-9.

Inilabas ni Gloc-9 ang bagong single na “Batang Ako” kasama si Bishnu Paneru, na tungkol sa sasabihin sa batang “ikaw” kapag nakita ang iyong sarili sa ngayon.—FRJ GMA News