Isang apat na taong gulang na babae ang namatay matapos umano siyang lasunin ng kaniyang lola gamit ang gatas na nasa bote na hinaluan ng panglason sa daga sa Don Carlos, Bukidnon. Ang biktima, isang-taong-gulang lang noong 2023 nang makaligtas sa madugong away ng kaniyang mga magulang na ikinasawi ng kaniyang ina.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras Weekend” noong Linggo, sinabing parehong dinala sa ospital ang 52-anyos na lola at ang biktima niyang apo dahil umano sa lason na nangyari sa kanilang bahay noong Huwebes, Agosto 13.

Sa kasamaang-palad, parehong binawian ng buhay ang mag-lola.

Bago ang insidente, sinabi ni Don Carlos police Deputy Chief of Police P/Lt. Rufina Bayarcal, na nakatanggap ang mga awtoridad ng tawag para humihingi ng tulong dakong 6 ng gabi noong Huwebes dahil sa mainitang pagtatalo na kinasasangkutan ng lola.

“[‘Yung] kapatid ng lola tumawag doon sa hotline ng police station po. Pagdating doon sa bahay nila, wala na ‘yung lolo kasi sabi niya umalis siya para hindi na mag-ano ‘yung gulo nila,” ani Bayarcal.

“Umiiwas [siya] sa gulo, sir, kasi ‘yung lola nag-wild, umalis na lang siya para hindi madagdagan ‘yung gulo,” dagdag ng opisyal.

Matapos umalis ang mga rumespondeng pulis, muling nagpatuloy umano ang pagtatalo. Muling nagtungo ang mga awtoridad sa bahay nang makatanggap muli sila ng tawag. Doon na nila nakita na nagsusuka ang bata.

“‘Yung unang tumawag, tumawag din. Bumalik na naman ‘yung pulis, tapos ‘yun na ‘yung nadatnan ng pulis doon. Nagsusuka na ‘yung bata, tapos ni-rescue na rin,” ani Bayarcal.

Sinagip ang mag-lola dakong 8 pm at dinala sa ospital. Pero dakong 1:00 am, pumanaw na ang bata.

Hindi rin nakaligtas ang lola habang ginagamot sa ospital.

Sa lugar ng insidente, nakarekober ang mga awtoridad ng isang bote ng gatas na pinaghihinalaang hinaluan ng lason.

Nakakita rin ang mga pulis ng dalawang sachet ng zinc phosphide, isang uri ng lason na ginagamit na pampatay sa mga daga. Naniniwala ang pulisya na ito ang ginamit ng lola upang lasunin ang kaniyang sarili at ang kaniyang apo.

Kinumpirma ng pulisya na ang batang biktima ay dati nang lumabas sa isang ulat ng “24 Oras” noong 2023 tungkol sa isang madugong insidente sa loob ng tahanan ng kaniyang mga magulang sa Bukidnon.

BASAHIN: Babae, patay matapos bugbugin, saksakin ng 16 beses ng live-in partner sa Bukidnon

Sa naturang insidente, binugbog ng lalaki ang kaniyang misis na ina ng bata, at sinaksak gamit ang basag na salamin na dahilan ng pagkasawi ng ginang.

Isang-taong-gulang lamang noon ang bata na nakunan sa CCTV footage na binuhat ng kaniyang ama at inilagay sa isang sofa. Nalaglag ang bata sa sahig pero nakaligtas.

Naaresto at nakakulong ngayon sa Davao Penal Colony ang ama ng bata. Dahil sa nangyari, ibinigay ang bata sa pangangalaga ng mga kaanak ng kaniyang nasawing ina.

Ayon sa pulisya, inaalam nila kung may kaugnayan nang nangyari noong 2023 sa nangyari noong Huwebes. May history din umano ng suicide attempts ang lola.

“Una kasi, sabi ng asawa niya kahapon [na] pumunta pa dito, madalas silang mag-away, tapos 'pag nag-aaway sila, ‘yung lola nag-a-attempt ng suicide,” ani Bayarcal.-- Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News