Inilahad ni Fifth Solomon, kapatid ni Chariz Solomon, na hindi naging biro ang ginawa niyang paglantad noon sa "Pinoy Big Brother" bilang miyembro ng LGBTQIA+ community. Inihayag din niya na umabot muna ng dalawang taon bago niya nakayanang panoorin ang video ng ginawa niyang pag-amin.
“Noong umamin ako, nakakatakot din siya. Ano, kasi parang, ano ba ‘yan, naging emotional ako,” sabi ni Fifth sa guesting nila ng kambal niyang si Fourth sa online talkshow na “Your Honor.”
“Actually, after two years ko pa siya napanood 'yung video, hindi ko siya kaya talaga,” pagpapatuloy niya.
Inihayag pa ni Fifth ang ilang dahilan kaya siya nahirapan sa kaniyang desisyon.
“Kasi lumaki kami sa Born Again School. So it was hard for me to come out there. Tapos hindi ko alam kung anong nangyayari sa labas, mga gano’n,” saad niya.
Bukod dito, nakaapekto rin kay Fifth ang ginagawang pagkukumpara ng viewers tungkol sa kanilang mga housemate.
“So 'yung PBB talaga, masaya siya pero hindi lang siya puro saya. Meron talaga siyang, masasubok din talaga 'yung mental and emotional capacity mo,” sabi niya.
Ngunit sa kabila ng lahat, sinabi ni Fifth na sulit naman ang kaniyang pag-amin.
“Noong una, natatakot talaga ako. Pero ngayon, naiisip ko na worth it siya. At least nag-come out ako sa television, 'yung bongga, parang gano’n,” saad niya.
Paglilinaw pa ni Fifth, isa talaga siyang full-blown gay, at hindi bisexual.
“At that time, parang nag-come out ako as bisexual pa. Pero hindi talaga ako bisexual. I'm like full-blown gay. Takot pa akong to make it fully gay. You're still playing it safe na may opportunity pa to make a love team, to be in showbiz,” paliwanag niya.
Sumali sina Fourth at Fifth sa “Pinoy Big Brother: All In” noong 2014.
“Kasi that year, ang alam pa lang ng mga Pilipino nu’n is bakla, tomboy. Wala pa 'yung LGBTQIST+,” ani Fifth.
Matapos ang kaniyang pag-amin, marami umanong oportunidad ang dumating sa kaniya.
TUMAWAG ANG AMA
Samantala, ibinahagi ni Chariz, kapatid ng kambal at isa sa mga host ng programa, na napatawag sa kaniya ang kanilang ama dahil sa pag-amin ni Fifth.
“'Yung tatay namin ‘di naman talaga tumatawag. Tumawag siya sa akin. ‘O, bakit ka tumawag?’ Gusto kong sabihin, ‘Ano ‘to?’” kuwento ni Chariz.
Ayon kay Chariz, nagtanong ang kanilang ama tungkol sa paglantad ni Fifth, ngunit hindi nito direktang masabi ang tungkol sa kasarian ng anak.
“So sinasabi niya, ‘Si Bobby ba, ano? Gay?’ … Tapos ako, nataranta ako kasi caught off guard ako na hindi tumatawag, biglang tumawag. Eto 'yung tanong.”
Sinabi ni Chariz na daddy's girl siya, kaya hindi niya ito nasagot.
“So doon ko first time na realize na, ah tumutupi rin pala ako to a certain person,” aniya.
Ikinuwento na noon ni Chariz na mga bata pa lamang silang magkakapatid nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.
“Ang aking kasi, kahit sabihin ko 'yung totoo, nataranta talaga ako. Pero hindi sa hindi ako proud. Kasi actually wala kang pakialam kasi wala ka naman dito eh. Kumbaga tatay ka namin pero hindi ka naman kasali talaga ‘di ba?” kuwento pa niya.
“Hindi kasi namin close 'yung dad namin eh. Kasi we grew up na wala siya. So ako din, nu’ng narinig ko na he was kinda disappointed, wala lang sa akin, flat lang. Kasi walang pakiramdam kasi hindi naman siya naging tatay din, parang gano'n sa amin,” pagsegundo ni Fifth. – FRJ GMA News
