Pormal nang idineklara ng Vatican ang Shrine of St. Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas bilang isang international shrine, kasabay ng kapistahan ng Santo.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing 10 a.m. nang magsimula ang Banal na Misa na pinangunahan ni His Eminence Pablo Virgilio Cardinal David, Obispo ng Caloocan.

Kasama sa pagdiriwang nito ang kinatawan ng Holy See o ng Vatican sa ating bansa na si His Excellency Archbishop Charles John Brown, Papal Nuncio, at His Excellency Archbishop Gilbert Garcera, Archbishop ng Lipa, Batangas at CBCP President.

Kasama rin si His Excellency Jose Cardinal Advincula, Manila Archbishop, pati na ang Asian bishops mula Bangladesh, Pakistan, Taiwan, India at Indonesia.

Bago ang Banal na Misa, binasa ang decree mula sa Vatican sa salitang Latin na nagdedeklarang isa nang international shrine ang dambana.

Bukod sa mga taong simbahan, dumalo rin ang libo-libong deboto, pilgrim, mananampalataya at pinagmilagruhan umano ng santo mula sa iba't ibang lugar.

Nagbibigay ng mataas na pagkilala mula sa Vatican ang pagdeklara sa dambana bilang isang international shrine. Kasunod nito, inaasahan mas dadami pa at mas lalakas ang debosyon ng mga tao sa lugar.

Pangalawa pa lang ito sa mga idineklarang international shrine sa Pilipinas kasunod ng Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo.

Ito rin ang kauna-unahang international shrine sa mundo na devoted kay Padre Pio sa labas ng Pietrelcina kung saan siya nagmisyon.

Ayon sa mensahe ni Cardinal David, sinabi niyang makilala pa sana sa buong mundo ang dambana hindi lang dahil dambana ito ni Padre Pio kundi dahil sa maliliit at ordinaryong mga milagro ng awa, tulad ng halimbawang iniwan ni Padre Pio.

Nagsimula bilang isang maliit na kapilya noong 2003 ang 12-ektaryang dambana, na naglalaman ng mga first-class relic ni St. Padre Pio.

Naging archdiocesan shrine ito noong 2008 at idineklarang national shrine noong 2015.

Tuwing ika-23 ng buwan, nagsasagawa ang parokya ng charity works kasama ang mga volunteer. Nagbibigay sila ng medical at social services kasama ang mga dentista, psychiatrist, psychologist, social worker, nutritionist, acupuncturist, abogado at iba pang propesyonal.

“Meron silang matatakbuhan, meron silang pahingahan, meron silang lugar kung saan puwede nilang makatagpo ang Diyos at maramdaman ang Kanyang pagmamahal at awa," sabi ni Fr. Oca Andal, rector ng International Shrine of St. Padre Pio, sa idinaos na press conference. – Jamil Santos/FRJ GMA News