Naging bukas si Bianca Umali sa naging sigalot noon sa relasyon nila ng nobyong si Ruru Madrid na kaniyang pinatawad sa kabila ng nagawang pagkakamali.
Sa nakaraang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” tinanong ni Tito Boy ang aktres kung papaano niya nagawang mapatawad si Ruru sa isyu ng pagtataksil sa kanilang relasyon.
"Panalangin,” sabi ni Bianca. “And I think it's not just towards Ruru. I have gotten hurt not just by people, by circumstances in life, so many times."
"And I think there's nothing wrong with forgiving. If second chances is what it is that you have to give a person, why not? You never know if it's worth lasting if you don't try," dagdag niya.
Ayon pa kay Bianca, kailangan din ang panahon sa pagpapatawad, at hindi ito parang candy na ibibigay lang basta-basta.
"Hindi ‘yan para bang candy na ipapamigay mo lang agad. When we forgive, it's a process, there are questions," saad niya.
"Ang lagi kong sinabi, ‘Kung ang Ama nga po kayang magpatawad ano pa po kaya tayong mga tao?," dagdag ng aktres.
Hindi naman kaagad masagot ni Bianca kung mapapatawad ba niyang muli si Ruru kung ulitin nito ang nagawang pagkakamali.
Gayundin, sinabi ng aktres na hindi niya agad inaasahan na mapapatawad siya ni Ruru kung siya naman ang makagagawa ng pagkakamali sa kanilang relasyon.
Tungkol naman sa selos, sinabi ni Bianca na normal na bahagi ito ng relasyon, at hindi mawawala.
Pero paglilinaw niya, hindi naman masama talaga ang selos dahil balidong damdamin ito ng nagmamahal, at hindi dapat ikahiya.
"It's not something to be ashamed of because nagseselos ka dahil mahal mo yung tao. Ano yung kailangan ng tao na nagseselos? You need assurance, you need communication and that's not so hard," paliwanag niya.
Sa nakaraang panayam din noon ng "Fast Talk with Boy Abunda," inamin ni Ruru na nagtaksil siya noon kay Bianca noong nagsisimula pa lang ang kanilang relasyon.
"But somehow, I also consider it a blessing in disguise because from that experience, I truly realized Bianca's value and how important she is to me," anang aktor.
Ilang buwan na naghiwalay ang dalawa bago muling nagkabalikan. Ngayon, walong taon na silang magkasintahan.
Nakatakdang bumida si Bianca sa upcoming movie na "Always Yours, Never Mine," na kasama sina Joshua Garcia at Julia Barretto, sa direksyon ni Cathy Garcia-Sampana.—Nika Roque/FRJ GMA News
