Kung pinaghihirapan ng mga mangangaso ang paghahanap ng hayop na huhulihin sa gubat, ang mga magnanakaw sa isang lungsod sa Venezuela, basta na lang tinatangay ang mga hayop sa isang zoo.
Sa ulat ng Reuters, sinabing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nangyayaring nakawan ng mga hayop sa Zulia Metropolitan Zoological Park sa Maracaibo, na malapit sa border ng Colombia.
(Ang tapir sa Zulia's Metropolitan Zoological Park. Larawan: Isaac Urrutia, Reuters)
Posible umanong kinukuha ang mga hayop para kainin, na isang indikasyon ng nararanasan kakulangan umano ng pagkain sa bansa.
Ayon sa pulisya, dalawang collared peccary, hawig sa mga baboy-ramo, ang nawala sa naturang zoo nitong weekend.
"What we presume is that they (were taken) with the intention of eating them," pahayag ng opisyal ng Zulia division ng National Police na si Luis Morales.
Ayon sa ulat, dahil sa nararanasang kakapusan ng pagkain sa bansa, laganap ang malnutrisyon kaya maraming residente ang naghahanap ng makakain maging sa mga basurahan.
Ang kakulangan sa pagkain ay isinisisi ng kanilang pangulo na si Nicolas Maduro sa oposisyon at mga nagpoprotesta.
Ayon sa namumuno sa zoo na si Leonardo Nunez, 10 uri ng mga hayop ang apektado sa nangyayaring nakawan. Isang buffalo rin ang kinatay na pinaniniwalang kagagawan ng "drug dealer" na nais ibenta ang hayop.
Pero paniwala niya, hindi ninanakaw ang mga hayop para talaga kainin.
Sinabi naman ng dating zoo director na si Mauricio Castillo, na kabilang sa nawala sa zoo ang dalawang pares ng tapir, na hawig sa mga baboy at kabilang sa listahan ng mga hayop na delikado nang maubos.-- FRJ, GMA News

