Sinalubong ng kilos-protesta at pangangantiyaw ang pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite nitong Martes.
Bago pa makapagbigay ng kaniyang talumpati si Duterte mula sa balkonahe ng Aguinaldo shrine, naglabas ng mga papel at nagsisigaw ng "huwad na kalayaan" ang ilang miyembro ng Bayan Southern Tagalog.
Kaagad namang kumilos ang mga tauhan ng Presidential Security Group at ilang pulis para ilayo ang mga nagpoprotesta.
Sa unang bahagi ng talumpati ng pangulo, sinabi niyang naiintindihan niya ang mga nagpoprotesta na bahagi ng kalayaan sa pagpapahayag.
Habang nagtatalumpati mula sa balkonahe, bahagya pa rin na may nagaganap na kumosyon sa ibaba dahil inilalayo ang mga kabataang nagprotesta.
Nagbilin naman si Duterte sa mga awtoridad na mapayapang ayusin ang demonstrasyon.
"Our constitution guarantees freedom of the press, freedom of assembly and free expression so I would just advise the law enforcement to just deal with them peacefully the maximum tolerance," bilin ng pangulo.
Sa kaniyang talumpati, muling sinabi ng pangulo na tatapusin niya ang problema sa illegal na droga at posibleng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa mga komunistang rebelde.
Ito ang unang beses na dumalo si Duterte sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan mula nang maging presidente siya noong 2016. --FRJ, GMA News
