Isinugod sa ospital ang isang mangingisda sa Negros Occidental matapos siyang matusok sa likuran ng nahuli nilang blue marlin o malasugi.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing lumangoy ang biktimang si Ken Vicenal nang mahuli ng kaniyang grupo ang malasugi sa karagatang sakop ng Sipalay City sa Negros Occidental.

Pero bigla raw nagpumiglas ang isda habang paahon ang biktima dahilan para matusok siya sa ibabang bahagi ng kaniyang likuran.

May haba umano na hindi bababa sa isa't kalahating talampakan ang nahuling malasugi.

Nang masuri sa ospital, mapalad na wala tinamaang internal organs kay Vicenal at patuloy siyang nagpapagaling sa tinamong sugat.-- FRJ, GMA News