Sa halip na masayang inuman, sakit ng katawan ang inabot ng isang lalaki sa Mangaldan, Pangasinan nang gulpihin siya ng kaniyang kaibigang natutulog at pilit niyang ginising para ayain ng inuman.

Sa ulat ni CJ Torida sa RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Romeo de Guzman, 40-anyos, at residente ng Barangay Tebag, na nagtamo ng mga sugat dahil sa inabot na pananakit.

Makikita sa isang cellphone video na nakahandusay ang duguang si de Guzman sa kalsada.

Ilang saglit pa, lumapit na rin sa kaniya ang ilang tao at dumating ang pulisya sa lugar para dalhin siya sa ospital.

Kuwento ng biktima, nilapitan niya ang kaibigan na mahimbing na natutulog at pinilit niyang gisingin para sana ayain na mag-inuman.

Ngunit nang magising ang kaibigan, pinagsusuntok na siya nito sa mukha.

"Humandusay na daw ako du'n sa flooring, parang sumalampak 'yung noo ko sa flooring ng kalsada," saad ni de Guzman.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, na nakainom din ang kaibigan ng biktima kaya nakatulog na ito sa gilid ng kalsada.

"Kapag nakainom na, mas mabuti kasing umuwi na lang at matulog sa bahay, 'wag nang mamasyal o manggulo para hindi pa makaistorbo sa ibang tao," sabi ni Police Lieutenant Joel Jugal, Station Duty Officer, Mangaldan Police Station.

Nasa maayos nang kalagayan si de Guzman at nagpasyang hindi na sasampahan ng reklamo ang kaibigan dahil nangako itong tutulong sa pagpapagamot niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News