Dalawang disgrasya ang inabot ng isang motorcycle rider sa Pangasinan nang araruhin ng isang AUV ang nagaganap na rescue operation para sa kanya, ayon sa ulat ni CJ Torida ng RTV Balitang Amianan sa Balitanghali nitong Miyerkoles.

Bukod sa rider na si Eddie Movida Jr., lima katao pa, kabilang ang kanyang rescuer, ang nasaktan nang araruhin sila ng AUV.

Makikita sa kuha ng CCTV na dumulas ang motorsiklong sinasaksyan ni Movida sa kalsada ng Barangay Coliling sa  San Carlos City. Mapapansin din na hindi na makagalaw ang biktima.

Naglabasan ang mga tanod mula sa Barangay Hall para tulungan siya. Ilang saglit pa, dumating ang ambulansya ng San Carlos City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Ngunit habang isinasakay ng rescue team si Movido sa ambulansya, biglang dumating ang AUV at binangga ang mga tao sa kalsada kasama na si Movido at ang rescuer na si Royden Sy.

"He got a broken arm sa right arm niya, basag yung joints niya, sa ribs niya. Ang pinakamahirap yung sa pelvic bone niya, di siya makatayo,” ani Hazel Soriano na kaanak ng isa sa mga biktima.

Natamaan din ng AUV ang ambulansya at tatlong nakaparadang motorsiklo sa lugar.

Ayon kay San Carlos City Police deputy chief Police Major Jay Ignacio, tumakbo raw ang suspek at iniwan ang kanyang sasakyan dahil sa takot na kuyugin siya ng taumbayan.

Makikita sa hiwalay na kuha ng CCTV na bumababa mula sa sasakyan ang nakabanggang driver matapos dumiretso ang AUV sa drainage ng barangay.

“Gusto ko sana i-shoulder nila yung mga gastusin namin, tsaka yung trabaho niya, naapektuhan,” sabi ni Eddie Mobida Sr. na kaanak ng isa sa mga biktima.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. —Joviland Rita/KBK, GMA News