Laking gulat ng may-ari ng isang bahay sa Bacolod City nang silipin niya kung ano ang laman ng plastic na iniwang nakasabit sa kaniyang gate.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing nagising ang may-ari ng bahay sa Barangay Tangub dakong 1:00 am dahil sa malakas na tahol ng aso.

Dito na niya nakita ang plastic na nakasabit sa kaniyang gate. Nang silipin niya ang laman nito, nakita niya ang buhay na sanggol.

Pagsikat ng araw, kaagad daw na dinala ng may-ari ng bahay ang sanggol sa police station.

Nasa pangangalaga na ngayon ng Señior Sto. Niño Home ang sanggol, na tinatayang dalawang araw pa lang mula nang ipanganak.-- FRJ, GMA News