Matapos maipasa ang ordinansang bawal magmura sa pumpublikong lugar at paggamit ng gadgets habang naglalakad, isinusulong naman ngayon sa Baguio City ang panukalang bawal sumingit sa pila.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing layunin ng panukala na maging patas ang mga pumipila at maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayari kapag may sumisingit.

"Nakikita natin na hindi nasusunod 'yung first come, first serve basis, ayon kay Konsehal Joel Alangsab. "Ang inire-recommend natin dito ay kung puwede sanang first come, first serve is line numbering."

Ang mga pasaway, pagbabayarin ng P1,000 sa unang paglabag; P2,000 para sa pangalawang paglabag; at P3,000 sa mga susunod pang paglabag.

Ang ilang taga-Baguio na natanong ng GMA News, pabor sa panukala para maging patas daw sa mga naghihintay nang matagal sa pila.

Pero para sa pop culture expert na si Prof. Jimmy Naval, hindi na kailangan ang naturang panukala dahil maaari naman lutasin ang problema sa pagsingit sa pamamagitan ng pagdesiplina at maaagang pagtuturo sa mga bata ng tamang gawi sa pagpila.-- FRJ, GMA News