Hindi lubos na ikinatuwa ng ilang residente sa isang barangay sa Marikina City ang ginawang pagpapaganda sa kanilang eskinita. Bagaman naging malinis sa paningin, naging peligroso naman daw ito sa mga tao dahil naging madulas ang daan.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes ng gabi, sinabing isang lola sa Barangay IVC o industrial valley complex, ang kinailangang tahiin ang sugat sa ulo matapos mabagok nang madulas siya sa naturang eskinita.

"Umislide ho yung walker ko, e di nadulas. Hindi ko nga alam putok ang ulo ko e, naramdaman ko may dugo na," kuwento ni lola Nelda Busuego.

Stroke survivor na si Buruego at naputulan na ng paa dahil sa sakit na diabetes.
Inakala raw niya ligtas na maglakad sa bagong gawang daanan dahil pantay at maganda.

"Alam ko magiging safety ako at maganda na ang daan na, flat na e malinis, e hindi, doon pala ako madidisgrasya," saad niya.

Apat na stitches sa ulo ang tinamo ni Buruego at hanggang ngayon nahihilo hilo pa raw siya matapos mangyari ang insidente.

Maging ang mga bata, nadudulas din daw sa tiles pero mabuting hindi kasing lubha ng naranasan ni Buruego.

"Ang problema maraming nadudulas, bata, matanda. Kailangan pa ba tayong magbuwis ng buhay," paalala ni Buruego.

Dahil nga madulas, sinabi ng ilang bata sa lugar na hindi na sila makapaglaro ng habulan sa eskinita.

Sinabing noong nakaraang taon sinimulang pagandahin ang daanan na proyekto ni Marikina City Representative Bayani Fernando, at hindi pa ito nakukumpleto.

Paliwanag ni Fernando, ginawa nilang puting tiles ang daanan para makinis at mapanatiling malinis.Nnakarating na raw sa kanila ang mga reklamo mula sa ilang residente kaya pinag-aaralan na raw nila kung ano ang puwedeng gawin para hindi na ito magdulot ng disgrasya.

"Pinasusubukan kong ipaliha nang konti. Paparaanan lang nang konting liha para maalis yung konting kinis. Kada may natatanggap kaming report, pinapupuntahan ko," pahayag niya.-- FRJ, GMA News