Nakatikim ng sermon sa ilalim ng araw ang ilang nahuling gumagala sa isang barangay sa Calamba, Laguna, sa gitna ng pagpapatupad ng total lockdown sa buong lalawigan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing aabot sa 188 katao ang dinala sa plaza sa harap ng city hall ng Calamba.

Pinaghiwa-hiwalay sila ng puwesto alinsunod sa social distancing, saka sila sinabon sa ilalim ng araw.

"Kayo, bakit kayo nasa labas? Kaya nga nag-withdraw ka, nasaan ang quarantine pass mo? O wala ka 'di ba? Ikaw wala ka ring quarantine pass? Ikaw personally meron ka? Wala?" tanong ng mga awtoridad sa mga nahuling residente.

Babala ng mga awtoridad ng Laguna Provincial Government, huhulihin na ang mga uulit na lalabag sa quarantine.

Kamakailan, naging usapan din sa social media ang isang barangay sa San Isidro sa Paranaque matapos ibilad din sa araw ang mga nahuling lumabag umano sa curfew.

Kalahating oras umano silang ibinilad sa isang basketball court sa katirikan ng araw. Ayon naman sa barangay captain, maliit ang holding area sa barangay kaya sa basketball court na sila dinala para layu-layo sila ng upuan at masunod ang social distancing.

Samantala, tatlong araw ila-lockdown ang palengke ng Mabitac, Laguna simula nitong Sabado. Kaya maaga pa lang, namili na sa pamilihan ang mga residente.

Ala-una ng tanghali ng Sabado nang ideklara ang total lockdown sa Laguna at sa lahat ng boundaries nito kaya hindi na makadadaan sa lalawigan ang mga papunta sa ibang probinsya at Metro Manila.

Pero sabi ni Laguna Governor Ramin Hernandez, pararaanin pa rin ang mga exempted sa checkpoint tulad ng medical frontliners at nagtatrabaho sa essential services.

Hindi naman pahihintulutang dumaan ng Laguna ang mga sasakyan para pumunta sa Quezon Province, Bicol at Metro Manila.

"Naiipon po nang naiipon ang mga tao sa loob ng Laguna kapag dumaan sila at hindi naman sila tinatanggap doon sa kanilang probinsya... Kapag ang dinadahilan ay naipit at hindi agad pinauwi ng mga employer sa kabila ng matagal nang anunsyo ay bumalik ho sila sa kanilang mga employer at doon po sila muna makituloy. Napakahirap kasi na patuloy pa rin ang movement ng mga tao," sabi ni Laguna Governor Ramil Hernandez.

Umabot na sa 23 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Laguna. Ang mga PUI ay 687, 10,136 ang mga PUM, at 2,429 ang cleared na. -Jamil Santos/MDM, GMA News