Nabulabog ang may-ari ng isang manukan sa Badoc, Ilocos Norte nang magising siya sa ingay ng kaniyang mga alaga.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing kaagad na lumabas ng bahay ang may-ari ng mga manok para alamin kung bakit nabulabog ang kaniyang alaga sa Barangay Mabusag.

Doon na niya nakita ang isang sawa na halos dalawang metro ang haba na nilalantakan ang manok sa ibabaw ng puno.

Nang tangkain daw nilang hulihin ang sawa, nanlaban ito kaya nila napatay.--FRJ, GMA News