Kinaaliwan ang isang Golden Retriever dahil sa hilig niyang manood ng dog videos sa YouTube at ang paborito niyang cartoon show.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing agad na naging Tiktok star ang 3-anyos na Golden Retriever na si Rhapsody dahil sa kaniyang gawain.

"Nakikita niya siguro 'yung mga bata na nanonood sa tablet, lagi siyang nakikisilip. Tapos nakita na namin na kinukuha niya 'yung phone ng father ko tapos dinadala sa father ko para i-open," sabi ni Khendee Benedicto, owner ni Rhapsody.

Gusto ni Rhapsody na may kasama pero minsan, gusto niyang siya na lang ang mag-isang manood.

Sinasamahan pa rin ng pamilya ni Khendee ng exercise si Rhapsody para hindi lang siya laging babad sa gadget.

"Ang mga Golden [Retriever] mataas ang energy level nila, so kailangan binu-burn nila. May playtime din, not everyday naman na puro nood," ayon kay Khendee.

Nitong pandemic, nakatulong si Rhapsody na mapasaya ang pamilya nina Khendee.

"Pinagaan niya 'yung sitwasyon ng pandemic kasi sobrang saya niya kasama," ayon sa kaniya. —LBG, GMA News