Kung ang iba ay aso at pusa ang paboritong gawing pet, sa Lanao del Sur, may ilang residente na ang napiling alagaan--buwaya.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ni Bana, residente Barangay Sumbagarogong sa Malabang, Lanao Del Sur, ang kaniyang alagang buwaya na si "Peter."
May habang dalawang metro si Peter at tumitimbang ng 40 kilo. Ginawan nila ng bahay ang buwaya na tila lungga sa ilalim ng lupa na napapasok ng tubig kapag high tide.
Taong 2019 daw nang makita sa ilog si Peter at inuwi ni Bana para alagaan.
May tali si Peter sa likod, at ang kabilang dulo ay nakatali naman sa isang puno para hindi siya makalayo kapag lumabas ng kaniyang lungga.
Karaniwan daw kasing lumalabas ng lungga si Peter sa gabi, at bumabalik naman sa kaniyang tirahan kapag nagkaroon na ng araw.
Wala rin daw problema kapag makawala si Peter dahil bumabalik naman daw ito. Hindi rin daw nangangagat ng ibang tao ang buwaya, hindi gaya ng aso.
Ilang oras mula sa kinaroroonan ni Peter, isang buwaya rin na si "Crocky," ang inaalagaan naman ni Anton sa Picong.
Ginawa nila ng hawla si Crocky, na kanilang nililinisan bawat buwan. Mayroon din daw mga tao na nagtutungo sa kanilang lugar para masilayan si Crocky.
Sa isa pang barangay, isa pang buwaya na si "Abdul" ang inaalagaan naman ni Jamerah, at ginawan din ng kulungan.
Dati raw may kasamang ibang buwaya si Abdul sa kulungan. Pero dahil sa pagiging babae at territorial ng buwaya, pinatay umano ni Abdul ang kapuwa niya buwaya.
Pero bakit nga ba tila mahilig ang ibang residente na mag-alaga ng buwaya, at pinapayagan ba ito sa ilalim ng ating batas? Alamin ang pahayag ng mga awtoridad sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News
