Isang luma at kinakalawang na doghouse sa Amerika ang ipasusubasta sa halagang $300,000 o katumbas ng mahigit P15 milyon. Ang espesyal sa naturang bahay ng aso, ang butas sa bubungan nito dahil sa tama ng bulalakaw.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing ang asong si "Rocky" ang nakatira sa doghouse na tinamaan ng meteorite noong 2019.

Ayon sa curator na si Darryl Pitt, may espersyal umanong particles sa bubungan.

"This is the meteorite that went through the dog house," sabi ni Pitt habang ipinapakita ang bulalakaw na halos kasinglaki ng tennis ball.

"It contains particles of the oldest matter that mankind can touch, those tiny white inclusions. That light off bronze coloring it not really part of the meteorite, that's when it hit the roof [ng doghouse]," dagdag ni Pitt.

Kabilang ang doghouse sa mga ipinapasubasta sa isang exhibit sa NY na tampok ang mga batong galing sa kalawakan at bumagsak sa daigdig.

Ang pinakamahal umano sa koleksiyon ay ang bato na pinaniniwalang galing sa Mars, at tinatayang nagkakahalaga ng $800,000 o katumbas ng mahigit P46M.

Ang asong si "Rocky" na isang German shepherd, ligtas naman nang tamaan ng bulalakaw sa kaniyang doghouse. --FRJ, GMA News