Maituturing na isang kayamanan ng lalawigan ng Misamis Oriental ang napakagandang Langit-langit falls sa bayan ng Balingoan. Pero bukod sa ganda ng lugar, may mga kuwento-kuwento rin na may literal na kayamanan daw na makikita sa loob ng kuwebang nasa taas ng talon.

Dahil sa ganda ng talon na makikita rin sa malayo at magandang gawing background sa picture taking, maraming turista ang dumadayo rito.

Bahagi na rin ng kuwento tungkol sa talon ang umano'y kuweba na nasa taas nito na sinasabing may nakatagong mga bara ng ginto at iba pang kayamanan.

Naging kuta raw kasi ng mga sundalong Hapon noong panahon ng digmaan ang kuweba at pinagtaguan ng mga kayamanan.

Ang mga matatanda sa lugar, sinasabing kahit noon bata pa sila ay ikinukuwento na sa kanila ng mga matatanda ang tungkol sa umano'y kayamanan na nakatago sa loob ng kuweba.

Ang isang 76-anyos na residente, sinabing personal daw na nakita niya ang dalawang bara ng ginto nang pasukin niya ang kuweba noong dekada 80.

Pero hindi raw niya inuwi ang ginto dahil na rin sa babala ng diwata sa kaniyang panaginip na magiging kapalit ng ginto ang kaniyang anak.

Inihagis daw niya ang bara ng ginto sa loob ng kuweba.

Hindi madaling mapasok ang kuweba dahil kailangan munang akyatin ang tuktok ng Langi-langit falls. Hindi rin magiging madali ang pag-akyat sa talon lalo na't madulas ang daan kapag umulan na madalas mangyari.

Kapag nakaakyat naman sa talon, kailangan namang bumaba mula rito gamit ang lubid para makarating sa pamosong kuweba.

Upang malaman ang katotohanan kung ano ang mayroon sa loob ng kuweba, nagtungo doon ang mga awtoridad.

May madidiskubre kaya sila sa kuweba o may makikita kayang kayamanan? Panoorin ang video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kanilang natuklasan.

--FRJ, GMA News