Iniimbestigahan na ngayon ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang umano'y pagkawala ng anim na imported toilet flush valve sa CR ng mga babae sa Terminal 1.

Ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, pinaniniwalaang ninakaw ang anim na flush valve na nagkakahalaga umano ng P5,000 bawat isa.

Bagama't napalitan na ang mga nanakaw na flush valve, nais malaman ng Manila International Airport Authority (MIAA) kung paano ito nangyari at kung sino ang may kagagawan.

Napag-alaman na walang CCTV malapit sa lugar kung saan naganap ang nakawan. —KBK, GMA News