Arestado ang isang lalaki matapos niyang ikulong sa ilalim ng kanilang bahay ang kaniyang misis, na nakita niya umano sa isang video na may kayakap na ibang lalaki sa Carcar, Cebu.

Inilahad ng suspek sa pulisya na nagselos siya matapos makita ang naturang video, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nasagip naman ang misis matapos humingi ng tulong sa mga awtoridad ang kaniyang ina.

Hindi ito ang unang beses na ikinulong ng lalaki ang kaniyang asawa. Bukod dito, sinasaktan at tinututukan din niya umano ito ng baril.

Nahaharap ang lalaki sa reklamong illegal possession of firearms nang makuha sa pinangyarihan ang isang improvised shotgun at tatlong bala ng baril.

Hinihintay naman ang mga awtoridad kung sasampahan ng kaso ng ginang ang kaniyang asawa.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA News