Ilang bola na tila kasinglaki ng bola ng bilyar na nahukay sa Southern Leyte ang susi umano sa kayamanang ibinaon ng isang sundalong Hapon sa Pilipinas.

Ang kayamanang nakakabit daw sa maalamat na mga bola na kung tawagin ay “Saiyaysa Balls”, kayang-kaya raw bayaran ang utang ng Pilipinas.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinasabing ang mga bola raw ay naglalaman ng dalawa hanggang tatlong piraso ng 5 carat diamond, na diumano ay bilyong piso ang halaga.

Susi rin daw ito sa kilo-kilong diyamante na nasa France.

Ayon kay Lolito Jamin, taong 1972 noong nakita niya mismo ang may-ari ng dalawang maalamat na bola na isang sundalong Hapon.

“Nakausap ko rin ang may-ari nito na si Colonel Casei ng Japanese Imperial Army doon sa kanyang opisina sa Cebu City kasama ko ang aking Auntie Catalina,” ani Lolito.

“Three kilos na diamond, three kilos na five carats diamond ang nakadeposito doon sa Wesley International sa Paris, France. Ang halaga niyan, $150 billion,” dagdag pa niya.

Kuwento ni Lolito, may-ari raw si Colonel Casei ng isang malaking pharmaceutical company sa Japan.

Dahil pagbiyahe-biyahe raw ang sundalong Hapon noon, sinabi ni Lolito na ipinagkatiwala ang dalawa sa apat na Saiyaysa Balls sa isa pang Heneral na Hapon na si General Noboyuki Yoru, na lolo raw niya.

Ayon pa sa lalaki, ibinaon daw ang mga bola ng kanyang tiyahin na si Catalina sa pribadong lupa sa Sogod, Southern Leyte. 

“In case na ma-recover ko ang mga Saiyaysa na ipinalibing niya kay Catalina Jamin kailangan kong dalhin ang Saiyaysa sa kanya doon sa Wesley International sa Paris, France,” banggit ni Lolito.

Hanggang kamakailan lang naalala ni Lolito na hukayin ang mga ito na nakabaon sa lupa na may lalim na dalawang talampakan.

“’Yung blue may laman yan na dalawang pirasong diamond na 5 carat. Itong brown kapag i-closeup mo ‘yan makikita mo ang atlas ng earth,” sabi pa ni Lolito.

Aminado man na natutukso sa umano'y diyamanteng laman ng mga bola, minabuti pa rin daw ni Lolito na hindi ito pagkainteresan.

Gayunman, problemado sina Lolito dahil hindi na raw nila alam kung saan hahanapin, o kung buhay pa nga ba ang umanong may-ari ng mga bola na si Colonel Casei.

“Sinubukan ko ring hanapin doon sa opisina nila sa Taiwan, sa Japan, Beijing, China sa pamamagitan ng pagpapadala ng email pero wala talaga reply,” aniya.

Kaya naman, may pinaplano sila Lolito para sa mga Saiyaysa Balls. Ano kaya ito? Panoorin sa video ito ng “KMJS” ang kanilang plano at ang katotohanan sa likod ng maalamat na bola. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA News