Kahit 102-taong-gulang na, nananatiling malakas at nakalalakad pa ang isang lola sa Lubao, Pampanga na umabot na sa mahigit 100 ang mga apo.

Bukod sa malakas at nakalalakad pa, sinabi sa ulat ni Trace de Leon sa GMA Regional TV One North Central Luzon, na wala ring maintenance na gamot na iniinom si Lola Leonora Ibay.

“Ewan ko bakit hindi ako tumatanda. Nasa Diyos ‘yan at sa mga bata, sa mga anak ko,” saad ni Lola Leonora, na mayroong 12 anak.

Paliwanag ng kaniyang mga anak, susi raw ng magandang kalusugan ng kanilang ina ang kanilang kalinga at pagmamahal.

“Siyempre noong maliit kami siya ang nag-alaga, tapos papabayaan mo 'pag tumanda? Hindi maganda yun,” sabi ni Aurora Ibay, isa sa mga anak ni Lola Leonora.

Samantala, dahil sa kaniyang edad, ipinagkaloob kay Lola Leonora ang cash incentive na P100,000, na bukod sa pinansiyal na tulong na ibinibigay ng national government sa mga centenarian

Ito umano ang paraan ng provincial government ng Pampanga upang magpasalamat sa mga naging kontribusyon ng mga senior citizens na may edad 95 pataas, ayon sa ulat. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News