Nauwi sa matinding takot ang kasiyahan ng tatlong magkakatrabaho na naisipang maligo sa Dawis beach sa Digos City, Davao del Sur, nang atakihin at kagatin sila ng misteryosong nilalang sa ilalim ng dagat.

Nitong nakaraang Pebrero 9 nang magkaayaan umano na mag-swimming sa Dawis beach ang magkakatrabaho na kinabibilangan ni Tommy Mangondato Jr.

Kuwento ni  Tommy sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," nang lumusong siya sa dagat, may kakaiba siyang napansin dahil tumatalon-talon sa ibabaw ng tubig ang maliliit na isda.

Palatandaan na pala iyon na may hindi magandang mangyayari sa kanila. Sa kalagitnaan ng paglangoy ni Tommy, may kumagat sa kaniyang paa.

Nakaramdam umano ng matinding sakit si Tommy kaya sumigaw siya sa dalawa niyang kasama para magpasaklolo.

Pero ang dalawa niyang kasamahan na lumusong din sa dagat, inatake rin. Ang isa, nakagat sa paa, samantalang sa bahagi naman ng binti ang kagat na tinamo ng isa pa.

Kapansin-pansin na sa paligid ng tinamo nilang sugat, may makikita rito na markang pabilog.

Ang kasamahan nilang nakagat sa binti, nakaramdam din ng pagkahilo at pagsusuka kaya isinugod siya sa ospital.

Dahil sa nangyari, natakot na ang iba na maligo sa naturang beach.

Isang linggo matapos ang nangyari sa grupo ni Tommy, isang mangingisda na namamalakaya o naglalambat sa dagat ang inatake rin umano sa paa.

Mabuti na lang daw at sumabit sa lambat ang misteryosong nilalang kaya nahuli ng mangingisdang si Mang Noli.

At nang puntahan ito ng "KMJS" team, isang "pufferfish" o butete ang nahuli ni Mang Noli.

Pero ayon kina Tommy, hindi pufferfish ang umatake sa kanila. Sa kanilang paglalarawan, madulas daw ito nang mahawakan ng isa sa kanila, tila may buhok at mahaba.

Sa tulong ng sketch artist, iginuhit ang misteryosong nilalang na umatake kina Tommy base sa paglalarawan ng mga biktima. Lumitaw na isa itong Moray Eel.

Ano nga bang uri ng isda ito na hindi pa nahuhuli? Mayroon nga ba itong taglay na kamandag kaya nagdudulot ng matinding sakit sa sugat, pagkahilo at pagsusuka? Alamin ang paliwanag ng esksperto. --FRJ, GMA Integrated News