Kinagiliwan ng netizens ang isang aso na tila nagtatampo at marunong magsumbong sa kaniyang amo kapag hindi ito nabibigyan ng pagkain.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa video ang asong si RC na naghihintay na mabigyan ng pagkain ng boardmate ng kaniyang amo.

Pero abala sa paglalaro ang lalaki kaya hindi nito mabigyan ng pagkain si RC.

Ilang saglit pa, lumapit na si RC sa kaniyang amo na tila nagsusumbong.

Muling sinubukan ni RC na manghingi ng pagkain pero hindi pa rin siya pinansin.

Ayon sa kaniyang fur parent na si Ronald Casil, nakasanayan na ni RC na tumabi sa mga taong kumakain.

Meron nang 179,000 views at 8,400 likes ang cute video ni RC. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News