Pansamantalang sinuspinde ang klase sa isang paaralan sa Bangued, Abra nang saniban umano ng masamang espiritu ang anim na estudyante.
Sa ulat ni Breves Bulsao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing isang babaeng estudyante sa Abra High School-Sinalang Extension ang unang sinaniban at sumunod na ang limang iba pa.
Pilit na pinapakalma ang mga mag-aaral na nagwawala at nagsisigaw matapos na saniban umano.
Sinasabing nagalit ang masamang espiritu dahil sa ginawang pagputol ng ilang estudyante sa isang puno ng papaya na malapit sa mga silid-aralan.
Iniutos umano ng mga sumanib na palitan ang pinutol na puno na ginawa naman ng mga estudyante.
Nagpatawag naman ang pamunuan ng paaralan ng pari upang magsagawa ng pagdarasal at bendisyon.
Ayon naman sa isang retired psychology professor, kailangang dumaan sa masusing pagsusuri ang mga sinasabing sinasapain.
"Baka nga puwede 'yan ang paniniwala ng kultura ng ibang tao, pero sa psychology per se, kailangang pag-aralan siya. Kailangan magkaroon ng medical check-up, kailangang ma-assess yung tao bago mag-conclude kung anuman ang lalabas tungkol sa katauhan ng isang tao," paliwanag ni Dr. Gregorio Taag, psychologist. -- FRJ, GMA Integrated News
