Bukod sa panindang empanada, dinadayo rin ang isang tindahan sa Laoag City, Ilocos Norte dahil sa tindera nito na kahawig ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nagsimulang tawagin na "Mayor Alice Guo" ang 29-anyos na empanada vendor na si Reyna Ruth Hagonos, nang mag-viral ang kaniyang video na ini-upload ng isang content creator.
Maputi, singkit ang mga mata, at nakasalamin din si Hagonos, na tulad ng suspendidong alkalde na pinaghahanap pa rin ngayon ng mga awtoridad para paharapin sa pagdinig ng Senado.
READ: Alice Guo asks SC to nullify Senate subpoena, prevent her from being invited
Patuloy din ang mga imbestigasyon ng iba't ibang ahensiya kaugnay sa alegasyon na sangkot siya sa POGO operation sa kaniyang bayan, at umano'y pamemeke sa kaniyang mga dokumento para palabasin na isa siyang Pilipino.
Nagsimula lang umano sa biruan nang mapansin ni Rolando Nacional na kahawig ni Hagonos si Guo hanggang sa simulan na niya itong kunan ng video at ipinost sa social media.
"Tiningnan ko may salamin, mahaba buhok, singkit mata. Parang natuwa ako. Tapos pangalawang bili ko ng empanada doon ko na nagtangkang mag-video," ayon kay Nacional.
Pitong taon nang gumagawa at nagbebenta ng empanada si Hagonos, na aminadong nakatulong din sa kaniyang hanapbuhay ang pagiging kahawig ng alkalde dahil nadagdagan ang mga bumibili sa kaniya.--FRJ, GMA Integrated News