Nabalot ng matinding takot ang mga staff at kliyente ng isang bangko sa Gijang Busan, South Korea nang mangholdap ang isang lalaki na armado ng "baril" na nasa loob sa itim na plastic. Pero ang baril, water gun lang pala na may disenyong dinosaur.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang suspek na may takip sa mukha at naka-jacket na pumasok sa bangko, at may dalang attache case.
Ilang saglit lang, nagdeklara na siya ng holdap at itinutok sa mga tao ang hawak niyang "baril."
Dahil bigo siyang makapasok sa opisina ng manager dahil naka-lock, inutusan na lang niya ang mga staff ng bangko na lagyan ng pera ang dala niyang bag.
Ang hinihingi niyang pera, nagkakahalaga ng 50,000 won na katumbas lang ng mahigit P2,000.
Pero habang pinapaluhod niya ang mga tao sa bangko, isang lalaki ang naglakas ng loob na sunggaban ang suspek hanggang sa kaniyang maitumba.
Tumulong naman ang mga tao na daganan ang suspek hanggang sa dumating na ang mga pulis.
Nang suriin ng mga pulis dalang "baril" ng suspek, doon na nakita na isa lang itong water gun na may disenyong dinosaur.
"People might fund it clumsy or even humorous that a water gun was inside the plastic bag. But at the time, the situation was extremely serious and frightening, leaving women employees and customers in fear," ayon sa isang opisyal ng bangko.
Nasa kustodiya ng pulisya ang 30-anyos na suspek. Pero hindi hindi inihayag ng mga awtoridad kung ano ang dahilan ng suspek sa ginawang panghoholdap.
Bibigyan naman ng pagkilala ng pulisya ang katapangan ng lalaking dumamba sa suspek.-- FRJ, GMA Integrated News