Napigilan ng mga awtoridad ang planong pagsunog ng isang lalaki sa isang gasolinahan sa Bournemouth, United Kingdom. Ang suspek, nahuli-cam na kinuha ang hose sa fuel pump at saka tinangkang silaban.Sa video ng Dorset Police, na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang kinuha ng lalaki ang hose ng gasolina kahit wala naman siyang dalang kotse.Iyon pala, sinusubukan na niyang sunugin ang naturang gasolinahan. Sa kabutihang palad, nakita ng pulis ang ginagawa ng suspek kaya binalaan siya. Gayunman, deadma rito ang lalaki.Hanggang sa lapitan na siya ng mga pulis na dahilan para kumaripas siya ng takbo pero nakorner din.Ayon sa Dorset Police, unang nakita ang suspek na nagte-tresspassing sa riles na malapit sa gasolinahan.Nag-over the bakod ang suspek para makapasok sa gas station."The man walked through multiple no entry signs, before climbing over a metal railing and making his way to Asda petrol station in Holdenhurst Road," ayon sa Dorset Police.Nabigo ang unang subok ng lalaki na silaban ang fuel pumps kaya muli siyang umakyat sa bubong, saka niya muling sinubukang mag-umpisa ng sunog.Ngunit nahabol siya ng pulisya at nang makorner, kinagat pa niya ang binti ng isang officer.Kinilala ang suspek na si Rory James Bolton Mayoh.Hindi na inilahad ng pulisya ang detalye ng kaniyang motibo sa planong pagsunog sa gasolinahan."The completely reckless actions of Mayoh could have had very serious, tragic consequences for staff at the petrol station, members of the public in the area and officers attending the incident," sabi ng Dorset Police.Ayon sa pulisya, nag-plead ng guilty si Mayoh sa attempted arson.Sinampahan din si Mayoh ng assault, criminal damage at trespassing, at nahaharap sa apat na taong pagkakabilanggo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News