Nanganib ang buhay ng isang mermaid performer nang matanggal ang kaniyang goggles at flippers at mawalan ng malay sa loob ng aquarium habang nagtatanghal sa Taiyuan Ocean World sa Shanxi, China.
Sa video na iniulat sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang isang staff ang sumisid para kunin ang mermaid performer na wala na noong malay.
Agad dinala ang babae sa ospital.
Sinabi ng pamilya ng babae na nagkaroon siya ng pulmonary edema matapos pumasok ang tubig sa kaniyang baga. Kinailangan siyang ilagay sa ICU dahil dito.
Kinilala ang mermaid performer bilang si "Ms. Feng," na nawalan ng malay dahil sa hypoglycemia, ayon sa mga inisyal na ulat.
Gayunman, may paglilinaw ang pamunuan ng Taiyuan Ocean World.
"The mermaid, Ms. Feng, drowned when her goggles and flippers fell off during the performance. She did not drown due to hypoglycemia, but because her flippers fell off and she could not float up," sabi ng Taiyuan Ocean World.
Importante ang goggles para sa underwater vision, samantalang kailangan ang flippers para lumutang ang performer kahit mabigat ang mermaid costume.
Inilabas ng ilang ahensiya ng gobyerno ang video dahil sa mga panawagang papanagutin ang pamunuan ng park.
Kinuwestiyon ng mga awtoridad ang pagpalya ng automatic alarm device sa aquarium, at wala rin umanong underwater oxygen supply system at walang dalang oxygen equipment ang nag-rescue.
Ayon sa industry standards, dapat may kasamang dalawang safety personnel ang mermaid performers, emergency ascent devices at backup breathing equipment.
Hindi pa nagbibigay ng paliwanag ang parke tungkol sa insidente, ngunit siniguro nilang maayos ang kalagayan ni Feng.
Nakalabas na rin siya sa ICU.
"Mr. Jin, the head of our company, expressed his deep apologies to Ms. Feng and her family on behalf of the company and all its employees. We wish Ms. Feng a speedy recovery," sabi ng Taiyuan Ocean World. -- FRJ, GMA Integrated News