Dalawang sea otters ang nakitang lumalangoy sa baybayin na sakop ng Taganak, Turtle Islands sa Tawi-Tawi noong Linggo, August 31, 2025.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV News, sinabi ng pulis na kumuha ng video at larawan ng mga otter na binibigyan nila ng isdang pagkain ang dalawa.
“Minsan, may dala po kaming mga isda pinapakain namin yung mga sea otter,” saad ni Patrolman Mariben Khan, Taganak Maritime Special Boat Crew ng PNP 1st Special Operations Unit.
Ayon kay Khan, madalas nilang makita ang mga otter na nagpapahinga malapit sa pantalan kapag nagpapatrolya sila.
Hindi rin umano ito ang unang pagkakataon na nakakita sila ng otters na posibleng umanong galing sa Malaysia at napapadpad lang sa karagatang bahagi ng Pilipinas.
“May possibility po na galing sa Sandakan (Malaysia) yung sea otters pero okay po kasi mas maganda napadpad sila dito naprotektahan namin,” ani Khan.
Pinapaalalahan din ng mga awtoridad ang mga residente na huwag sasaktan ang mga bumibisitang hayop.
“Mga bata sinasabihan din namin na bawal nilang batuhin ng bato or any object na puwedeng mag-cause na para masaktan yung mga otter kasi minsan hinahabol nila,” sabi pa ni Khan. – FRJ GMA Integrated News

