Mabilis na kumilos ang ilang bumbero para respondehan ang natanggap nilang impormasyon tungkol sa nasusunog umanong truck sa Parola, Manila, na nakita pa nila ang larawan. Pero pagdating sa lugar, laking-gulat nila nang makitang buong-buo ang truck.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, natuklasan ng mga bumbero na edited ang larawan ng truck na ipinakita sa kanila sa chat group.

Apat na truck ng bumbero, kabilang ang galing sa Bureau of Fire Protection ang dumating sa Parola nitong Huwebes ng umaga kung kalian nangyari ang insidente.

"Hinanap namin at nakita naman namin 'yung truck na buo naman. Ang AI [artificial intelligence] akala mo parang totoo na talaga,” ayon kay Samuel Fenix, fire chief ng Recto Fire Volunteers.

“Ang follower namin, ang sabi sa kaniya, sinend lang din sa kaniya [yung photo], na-alerto lang din siya,” dagdag niya.

Nais ni Fenix na mapanagot ang mga gumagawa ng naturang uri ng edited photo dahil lubhang mapanganib umano ito, katulad sa kaso nila.

"Siyempre, nagmamadali kami. Either na makasagi kami o ano. Siyempre, tumatakbo kami sa sunog. Tapos pagdating doon fake news pala. Mga ganon dapat mapanagot. Kasi hindi biro 'yung mga ginagawa nilang ganon,” paliwanag niya.

Sa ilalim ng Revised Fire Code of the Philippines of 2008, ang mga magbibigay ng maling impormasyon tungkol sa sunog ay maaaring magmulta ng P50,000, at maharap sa reklamong unjust vexation sa ilalim ng Revised Penal Code.

Ayon kay Barangay 20 Chairman Anthony Igus, wala silang impormasyon kung residente nila sa lugar ang may pakana ng pekeng larawan.

"Karamihan kasing ganyan sa insidente, 'yung mga nagkakalat parang anonymous,” sabi ni Igus.

“Very alarming po 'yung nangyayari. Masama po 'yan. Baka mamaya mayroong nagkaroon ng insidente na ganyan, wala pong responde na bumbero dahil sa fake news na nangyayari na ganyan,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News