Para makamura sa bayad, may kakaibang paraan na ginawa ang isang babae nang bumili siya ng isda sa isang tindahan sa Guandong, China.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa kuha ng CCTV camera sa loob ng tindahan ang babae na nanghuhuli ng mga buhay na isda sa loob ng fish tank.

Pero ang kinuha niyang buhay na isda, hindi niya diretsong inilagay sa sisidlan kung hindi inilapag niya at inapakan hanggang sa mamatay.

Muli niyang inilagay sa tangke ang patay na isda at kumuha ng panibagong isda at inapakan niya muli para mamatay.

Ayon sa staff ng supermarket, ipinakilo ng babae ang mga isda na kaniyang pinatay at saka humingi ng discount. Humirit umano ang babae na kalahati lang ng presyo ang kaniyang babayaran dahil sa katwiran niyang hindi na buhay ang mga ito nang makuha niya.

Pero namukhaan ng isa sa mga staff ang babae na minsan na rin umanong dinaya ang price label sa produktong binili, bago ang naturang insidente.

Tumanggi ang kahera na magbigay ng discount sa isda kaya napilitang umalis ang babae at walang napala sa kaniyang ginawa.

Dahil sa pagdududa sa babae, sinuri ng mga staff ng tindahan ang kanilang CCTV camera at doon na nila nakita ang ginawa nito sa mga isda.

Isinapubliko ng may-ari ng tindahan ang video para mabigyan ng babala ang iba pang tindahan sa modus ng babae.

Ipinaliwanag din nito na mas mataas ang presyo ng buhay na isda dahil mas malaki ang gastos sa pag-transport nito at pag- maintain ng mga fish tank para mapanatiling buhay at sariwa ang mga isda. – FRJ GMA Integrated News