Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki matapos na “lamunin” ng nililinis niyang rice harvester sa Barangay Janipaan Oeste, Cabatuan, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nililinis ni “Jose,” 57-anyos, ang makina nang paandarin umano ito ng operator na si “Johnny,” na dahilan para lamunin ang biktima.

Kaagad naman umanong pinatay ng operator ang makina pero huli na dahil tinamaan na ang bahagi ng katawan ng biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Plano ng pamilya ng biktima na kasuhan ang operator ng makina.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. – FRJ GMA Integrated News